INAASAHANG bababa ang presyo ng bigas sa harap ng harvest season ngayong buwan, ayon sa isang farmers’ group.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB noong Sabado, sinabi ng Federation of Free Farmers Cooperatives na nagsimula nang pumasok sa merkado ang mga bagong suplay.
Gayunman, sinabi ng grupo na ang bawas-presyo ay maaaring napakaliit lamang dahil sa posibleng pagbaba ng produksiyon sanhi ng El Niño.
Ayon sa grupo, dahil ang farmgate price ng bigas ay nananatili sa P31 kada kilo, ang maibaba ang retail price ng bigas sa P50 kada kilo ay malabo.
Ang bigas ay maibebenta umano sa publiko sa P55 hanggang P56 kada kilo makaraang maipamahagi sa mga retailer.