(Inaasahan kada taon mula sa mga bagong buwis) P29.5-B DAGDAG-KITA SA GOBYERNO

DOF

INAASAHANG makalilikom ang pamahalaan ng hanggang P29.5 billion na bagong annual revenues simula sa 2024 — bukod pa sa mga programmed revenue — sa sandaling aprubahan ng Kongreso ang isang tax package na magpapataw ng buwis sa digital sales, single-use plastics, at pre-mixed alcohol, ayon sa Department of Finance (DOF).

Muling inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno nitong weekend ang fiscal consolidation plan ng pamahalaan sa harap ng pagbabago ng outlook ng Fitch Ratings sa Philippine sovereign debt ratings mula ‘negative‘ patungong ‘stable’.

Ang fiscal package, na naunang inanunsiyo sa huling interagency Development Budget Coordination Committee (DBCC) meeting, ay kinabibilangan ng Package 4 o ang Passive lncome and Financial lntermediary Taxation Act, value-added tax (VAT) sa digital service providers, at excise taxes sa single-use plastics at pre-mixed alcohol.

Tinatalakay pa ng House of Representatives at Senado ang mga panukala, ngunit nais ng mga economic manager na maipatupad ang mga ito simula sa susunod na taon.

Ang Package 4 ay tinatayang magbibigay ng P8.5 billion na karagdagang buwis sa 2024, bago unti-unting bababa sa P0.7 billion sa 2028.

Sa dokumento ng DOF, ang excise taxes mula sa digital service providers ay makakapagpasok ng hanggang P18.2 billion kada taon.

Samantala, ang pagpapataw ng buwis sa single-use plastics at pre-mixed alcohol ay makalilikom naman ng hanggang P9 billion at P0.6 billion kada taon.

Kung pagsasama-samahin, ang makokolektang buwis mula sa apat na measures ay bubuo sa 0.1% ng gross domestic product.