HINDI inaasahan ng pamahalaan na magpapatupad ang foreign digital service providers (DSPs) ng malaking pagtaas sa presyo ng kanilang serbisyo at produkto kasunod ng pagsasabatas sa panukala na nagpapataw ng value-added tax (VAT) sa non-resident DSPs.
Sa Palace press briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na bagama’t ang pagbabago sa presyo ng serbisyo at produkto ay nakadepende sa DSPs at hindi laging sigurado, ang anumang pagtaas sanhi ng pagpapataw ng VAT ay minimal lamang.
“It’s a business decision by the service providers. But again, nagbabayad naman na sila dapat from the very beginning so they should have incorporated the concept of VAT sa simula pa during their pricing,” sabi ni Lumagui.
“Puwede magkaroon ng price increase but again, I think it would be minimal, hindi yan 12 percent automatically mag-iincrease sila.”
Nitong Miyerkoles ng umaga ay nilagdaan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act (RA) 12023 , na nagpapataw ng 12-percent VAT sa electronic o online sale ng mga serbisyo, tulad ng online advertisement services at pagkakaloob ng digital advertising space; digital services kapalit ng regular subscription fee; at suplay ng iba pang electronic at online services na maaaring ihatid sa pamamagitan ng internet.
Ang Cloud services o yaong platforms na nagkakaloob ng digital content ay apektado rin ng bagong batas tulad ng Netflix, Disney+, HBO Go, Google, Spotify at iba pang online marketplaces gaya ng Amazon.
Sinabi pa ni Dumaguil na ang bagong batas ay magpapantay sa kompetisyon para sa local providers na nagbabayad na ng VAT hindi tulad ng kanilang foreign counterparts.
Aniya, ang makokolektang buwis ay mapupunta sa infrastructure at social welfare services programs ng pamahalaan
Nasa P105 billion revenues ang inaasahang makokolekta sa loob ng limang taon dahil sa bagong batas.
Samantala, sinabi ni Department of Finance (DOF) Director lawyer Euvimil Nina Asuncion na ang pagpapatupad ng VAT sa non-resident DSPs ay hindi makaaapekto sa paglago ng digital industry at hindi rin pahihinain ang loob ng iba pang foreign players na magnegosyo sa bansa.
“They are already doing this in other countries. They’ve been complying. Actually, we’re late in the game in collecting from non-resident DSPs,” aniya.