TINATAYANG maitatala ang inflation sa Abril sa 3.5 hanggang 4.3 percent, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Makaraang bumagal sa 2.8 percent noong Enero, ang inflation ay bumilis sa 3.4 percent noong Pebrero at sa 3.7 percent noong Marso sa gitna ng mataas na presyo ng langis at pagkain, partikular ang bigas.
Para sa Abril, sinabi ng BSP na ang paghina ng piso kontra US dollar ay naging salik din.
“Continued price increases for rice and meat along with higher gasoline prices and the peso depreciation are the primary sources of upward price pressures for the month,” sabi ng central bank.
Gayunman, sinabi ng BSP na ang mas mababang presyo ng isda, prutas, at gulay, gayundin ang pagbaba ng singil sa koryente at ang rolbak sa presyo ng LPG ay maaaring mapahupa ang upside price pressures.
Nauna nang sinabi ni BSP Governor Eli Remolona na ang pagbagsak ng piso ay hindi isang kaso ng mahinang local currency, kundi ng lakas ng dolyar, na lumakas laban sa iba pang currencies sa gitna ng mga ekspektasyon na pananatillihin ng US Federal Reserve na mataas ang US rates.
Ang official inflation numbers ay ilalabas ng Philippine Statistics Authority sa Mayo 7.
LIZA SORIANO