UMAASA ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maitatala ang May 2024 inflation sa pagitan ng 3.7 at 4.5 percent.
“Continued increases in electricity rates and vegetable prices alongside recent peso depreciation are the primary sources of upward price pressures for the month,” pahayag ng BSP sa isang statement nitong Biyernes.
Nauna nang inanunsiyo ng Manila Electric Company ang pagtaas sa singil sa koryente noong Mayo ng P0.4621 per kilowatt hour sa P11.4139 per kWh mula P10.9518 per kWh noong Abril.
Nagsara naman ang piso sa 58.635 kontra dolyar noong Huwebes, ang pinakamahinang performance nito sa loob ng 18 buwan o magmula noong Nov. 3, 2022 nang magsara ito sa P58.80.
Gayunman, sinabi ng central bank na maaaring ma-offset ng mas mababang presyo ng bigas, isda at prutas, gayundin ng domestic oil at liquefied petroleum gas (LPG) ang upside price pressures.
Sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa national level, ang isang kilo ng well-milled rice ay may average retail price na P56.52 noong Mayo 15-17, bahagyang bumaba mula sa P56.98 kada kilo na naitala sa parehong panahon noong Abril.
Tinapyasan naman ng mga kompanya ng langis ang presyo ng LPG products ng mahigit P1 kada kilo.
“Going forward, the BSP will continue to monitor developments affecting the outlook for inflation and growth in line with its data-dependent approach to monetary policy decision-making,” ayon sa BSP.
Nakatakdang ilabas ng PSA ang May 2024 headline inflation data sa Hunyo 5. Noong Abril, ang headline inflation ay naitala sa 3.8 percent, mas mabilis kumpara sa 3.7 percent noong Marso, subalit mas mabagal kung ihahambing sa 6.6 percent noong April 2023. Ito rin ang pinakamabilis sa loob ng apat na buwan o magmula nang maitala ang 3.9 percent noong December 2023.