(Inaasahan ng BSP)8.5-9.3% INFLATION SA PEBRERO

BSP-INFLATION

POSIBLENG pumalo sa 8.5 hanggang 9.3 percent ang inflation sa Pebrero, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ng Department of Economic Research ng BSP na ang upward price pressures para sa buwan ay sa likod ng mas mataas na ­presyo ng LPG, gayundin ng key food items tulad ng baboy, isda, itlog at asukal.

Samantala, ang mas mababang presyo ng petrolyo, manok, karne at prutas at gulay, kasama ang paglakas ng piso ay maaaring makapag-ambag sa pagbagal ng inflation.

“The BSP will continue to adjust its monetary policy stance as necessary to prevent the further broadening of price pressures as well as the emergence of additional second order effects,” ayon sa central bank.

Ang inflation ay bumilis sa 8.7 percent noong Enero, mas mataas sa pagtaya ng BSP.

Ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang official inflation figures sa Martes, Marso 7.