UMAASA ang Metro Manila Council na bababa na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila pagsapit ng Nobyembre.
Ito ay kung patuloy na bababa ang trend o bilang ng mga tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council, kinakailangan na tumaas din ang recovery rate o ang bilang ng mga gumagaling sa naturang sakit.
“Kung magtutuloy-tuloy po itong ating trend, ito pong pagbaba ng ating mga cases po natin at iyong recovery po natin umaabot na po siya ng more than 90% ng ibang LGU po natin na recovery at ipagpapatuloy lang po natin iyong pagdisiplina sa ating mga constituents, palagay ko po hanggang katapusan ng October na ito, itong katapusan ng October na ito ay matapos natin iyong GCQ at hopefully with God’s graces, nito pong darating na November baka mag-MGCQ na po tayo sa pahintulot ng ating mahal na Presidente,” pahayag ni Olivarez
Sabi ni Olivarez, hindi na punuan ang mga intensive care unit o ICU sa mga ospital hindi katulad sa nakalipas na dalawang buwan na halos wala nang mapaglagyan ang mga pasyenteng kritical ang lagay.
Pero ayon kay Olivarez, kailangan na tiyakin pa rin na nasusunod ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghugas ng kamay, paggamit ng alcohol at physical distancing.
Naniniwala si Olivarez na sa sandaling nasunod ang health protocols ay magtatapos ang pagiging GCQ ng Metro Manila sa katapusan ng Oktubre at magiging MGCQ na pagsapit ng Nobyembre sakaling aprobahan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mananatili sa GCQ ang Metro Manila kasama ang Batangas, Tacloban City, Bacolod City, Iligan City at Iloilo City na magiging epektibo sa buong buwan ng Oktubre.
Ayon pa kay Olivarez, bago pa man ianunsiyo ng Pangulong Duterte ang pananatili ng Metro Manila sa GCQ ay napagpulungan na ng Metro Manila mayors na hindi pa handa ang National Capital Region na mag-shift sa mas maluwag na quarantine measure.
Pinaliwanag ni Olivarez na base sa presentasyon ng Department of Health ay bumababa na ang cases sa Metro Manila gayundin naman ang pagtaas ng bilang ng recovery subalit naniniwala ang mga alkalde na hindi pa handa na magluwag sa mga panahong ito.
Aminado si Olivarez na may pangamba pa rin ang mga local government units na sa sandaling magluwag at dumami ang operational capacity ng mga negosyo sa kanilang mga nasasakupan at maging ang mga public utility vehicles ay dumami na rin atbaka magkaroon na naman ng pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases.
“So ang tingin po ng ating Metro Manila Council, we need another 30 days for GCQ,” sabi pa ni Olivarez. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.