(Inaasahan ng NIA) PRODUKSIYON NG PALAY TATAAS PA SA 2025

POSITIBO ang National Irrigation Administration (NIA) na tataas pa ang produksiyon ng palay sa susunod na taon.

Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, resulta ito ng pagdami ng irrigation facilities at mga dam sa bansa na makatutulong para patubigan ang mga taniman ng palay.

Inihalimbawa ni Eng. Guillen ang mga bagong dam na binuksan kamakailan sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Western Visayas, Cordillera, Central Luzon, at iba pa.

Aniya, makatutulong ang pagdami ng mga dam at irrigation canal upang mapalakas ang lokal na industriya ng bigas sa gitna na rin ng marubdob na pagtutulungan ng mga magsasaka at ng gobyerno.

Bukod dito, magagamit na rin ang bagong binuong cropping calendar kung saan ang kasalukuyang dalawang cropping season sa NIA-irrigated areas ay gagawin nang tatlong cropping season.

Tinukoy rin ng NIA administrator ang aniya’y ‘incorporation’ o pagpasok at pagsasama sa konsepto ng irigasyon sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ilalim ng nasabing programa ay magsasanib ang NIA at DPWH sa pagpaplano sa mga ginagawang flood control facilities kung saan iniipon ang mga tubig sa naturang mga pasilidad upang magamit sa mga sakahan sa halip na hayaan lamang tumuloy sa mga dagat at ilog.

Nauna nang ipinagmalaki ni Presidente Marcos sa kanyang ika-3 SONA ang hanggang 5,500 flood control projects at mga bagong dam na nagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Noong nakaraang linggo ay sinimulan na rin ng NIA ang pagbebenta ng murang bigas kasunod ng paglulunsad sa P29 kada kilong bigas ng kanilang ahensiya.

Ang ibinebentang abot-kayang bigas ay mula sa matagumpay na Rice Contract Farming Program ng NIA.

Layon ng programang ito na mabigyan ng suporta ang 40,000 ektarya ng sakahan upang lumago ang produksiyon maging ang kita ng mga magsasaka.

Namahagi rin ang ahensiya ng farm inputs, binili ng ahensiya ang aning palay ng mga benepisyaryong magsasaka na umabot sa limang tonelada.

Ayon kay Guillen, ito ay bilang pagtalima sa direktiba ni PBBM.

Tuloy-tuloy rin ang pagpupursige ng ahensiya na mapalago ang produksyon ng mga sakahan sa Pilipinas.
VERLIN RUIZ