(Inaasahan ngayong buwan) 1.4 MMT DAGDAG SA SUPLAY NG BIGAS

UMAASA ang pamahalaan na madadagdagan ang suplay ng bigas ng bansa ng 1.4 million metric tons (MT) ngayong buwan dahil nagsimula na ang anihan.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na marami nang magsasaka ang piniling mag-ani nang mas maaga, at magkakaroon ng sapat na suplay para tugunan ang local demand.

“Actually may mga nag-early harvest na rin po and we are expecting mga 1.3 or 1.4 million metric tons this month,” aniya.

“Hanggang October po, ganon din po ang ating projection, so yes naman po, sapat naman po ang ating supply and ‘yun nga po, dahil po puwede rin po siyang i-complement ng ating mga importation, open naman po ‘yung importations natin,” dagdag pa niya.

Sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA) ay lumitaw na ang presyo ng local commercial rice sa Metro Manila ay naglalaro sa P40 hanggang P66 kada kilo, habang ang imported commercial rice ay mula P45 hanggang P60.00 kada kilo depende sa variety.