(Inaasahan sa Disyembre)PRICE HIKE PA SA ITLOG

ITLOG-5

NAGBABADYANG sumirit ang presyo ng itlog sa susunod na buwan sanhi ng pagtaas ng demand at ng paglobo ng kaso ng bird flu sa bansa, ayon kay Philippine Egg Board Association President Irwin Ambal.

Sinabi ni Ambal na bukod sa bird flu at pagtaas ng demand ngayong Christmas season, tumaas din ang bilang ng mga kumokonsumo ng itlog dahil sa ipinatutupad na full face-to-face classes sa bansa.

“Una ‘yung peak season ngayon ng consumption, kagaya ng ibang pagkain natin. Mataas ang demand. Pangalawa, tumaas din ang demand gawa ng face-to-face classes. ‘Yung pangatlong dahilan, nagkaroon tayo ng problema, ng bird flu hindi lang sa atin, kundi worldwide, simula ngayong taon,” ani Ambal.

Dagdag pa ni Ambal, maraming lugar sa Central Luzon ang apektado ng bird flu dahil sa migratory birds.

“Itong nakita naming paggalaw, lalo na nitong dalawang huling linggo, nakita rin namin na may problema sa suplay sa Central Luzon. Kasi ‘yung buyer ng Central Luzon, pumupunta na sa Batangas para mamili na sa Batangas at isuplay ito sa Central Luzon hindi lamang pang-Manila, nagpupunta na rin sa Batangas,” aniya.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng itlog ay nasa P205 hanggang P210 per tray mula sa dating P185.