MAKAAASA ang mga biyahero ng mas mababang singil sa pasahe sa eroplano sa susunod na taon makaraang ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel sur-charge sa Level 7 sa Enero 2023 mula sa umiiral na Level 8.
Ang Level 7 fuel surcharge ay mangangahulugan na ang mga pasahero na bibiyahe sa buwan ng Enero ay sisingilin lamang ng P219 hanggang P708 para sa domestic flights at mula P722.71 hanggang P1,124.26 para sa international flights, depende sa distansiya.
Ayon sa CAB, ang fuel surcharge ay binabaan dahil sa pagbaba ng presyo ng jet fuel.
Sa abiso ng CAB, ang jet fuel ay may average na P41.50 kada litro, na katumbas sa Level 7 ng Passenger and Cargo Fuel Surcharge Matrix.
“Airline wishing to impose or collect fuel surcharge for the same period must file its application with this Office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” sabi ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla.