INAASAHAN ang pagtaas ng presyo ng basic necessities and prime commodities (BNPC) sa Enero ng susunod na taon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
“We are looking at early part of next year, maybe middle of January towards the end,” pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa The Source ng CNN Philippines.
Ayon kay Castelo, hanggang 50 items ang tataas ang presyo ng hanggang 10%.
Kabilang dito ang canned sardines, processed milk (condensed and evaporated), coffee, bread, instant noodles, condiments (salt, soy sauce, vinegar), detergent soap, bath soap, canned meat, at batteries.
Paliwanag ng opisyal, ang naturang mga produkto ay hindi kasama sa suggested retail price bulletin na inisyu ng DTI noong Agosto, at ang hirit na pagtaas ay kanila nang pinag-aralan.
Ayon kay Castelo, pinayagan lamang ng ahensiya ang price increases sa 40-50 produkto sa isang pagkakataon para bigyan ang mga consumer ng mga murang mapagpipilian.
Aniya, mapipigilan din nito ang mga manufacturer na magbawas ng produksiyon o magtanggal ng mga empleyado para matugunan ang pagtaas ng halaga ng raw materials, na makasasama rin sa ekonomiya at sa mga consumer.
Sa ngayon, ang presyo ng mga produkto na nakalista sa August bulletin ay hindi na gagalaw hanggang sa katapusan ng taon.
“We have around 218 products in our bulletin, different brands, different variants, different volume, hindi sila muna gagalaw this Christmas,” anang opisyal.
Ito ay makaraang magpasya si DTI Secretary Alfredo Pascual na ang price bulletin ay ilalabas lamang sa Enero ng susunod na taon matapos na magsumite ang mga manufacturer ng mas maraming detalyadong production cost.
Samantala, tiniyak ni Castelo sa mga consumer na patuloy nilang minomonitor ang presyo ng Noche Buena items makaraang makapagtala ang ahensiya ng pagtaas sa hindi bababa sa 12 produkto.
“For Christmas products, we expect some items to decrease their prices getting closer to Christmas,” aniya.