(Inaasahan sa gitna ng Russia-Ukraine war) MAS MABILIS NA INFLATION

BSP

INAASAHANG tataas pa ang global at domestic crude prices  sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine, namagtutulak sa inflation forecasts sa itaas ng target range ng pamahalaan na 2%-4%, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa BSP, ang inflation ay inaasahan ngayong may average na 4.3% sa 2022, mas mataas sa 3.7% projection sa Monetary Board policy meeting noong Pebrero.

Ang inflation outlook para sa 2023 ay itinaas din sa 3.6% mula sa 3.3% na inaasahan noong nakaraang buwan.

“Latest baseline forecasts have increased from the previous monetary policy meeting, reflecting the impact of higher global commodity commodity prices,” wika ni BSP Governor Benjamin Diokno sa isang virtual briefing.

“Inflation expectations have likewise risen but continue to be anchored to the 2% to 4% target band,” aniya.

Ayon kay Diokno, ang inaasahang mas mataas na inflation ay base sa pagsusuri na ang nagpapatuloy na krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine ay posibleng makaapekto sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mataas na commodity prices.

Ang Russia at Ukraine ay major exporters ng key commodities tulad ng oil, wheat, aluminum, natural gas, at fertilizer.