(Inaasahan sa kabila ng banta ng La Niña) 3-5% PAGTAAS SA COCONUT PRODUCTION

PANANATILIHIN ng bansa ang tatlo hanggang limang porsiyentong pagtaas sa coconut production sa kabila ng mga posibleng epekto ng nagbabadyang La Niña, ayon sa Philippine Coconut Authority (PCA).

Sa isang ambush interview sa sidelines ng 151st founding anniversary celebration ng PCA sa Quezon City, nagpahayag ng kumpiyansa si Administrator Dexter Respicio Buted sa katatagan ng mga puno ng niyog para sa tinatayang produksiyon.

“Tumataas lang tayo sa three to five percent, so, iyon ‘yung pwede naming ipangako,” aniya.

“Kita naman natin kung gaano ka-resilient iyong niyog. Kahit bagyuhin iyan, bubunga pa rin iyan. But we’re confident that with all regions na ang niyog ay nakatayo ay confident tayo na ang yield natin ay mapapataas pa,” dagdag pa ni Buted.

Tiniyak din niya na nagpapatuloy ang Massive Coconut Planting and Replanting Project ng PCA sa buong bansa, na naaayon sa commitment ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa layuning magtanim ng 100 milyong puno ng niyog pagsapit ng 2028.

“May natanim na tayo, last year ay 2 million (coconut seedlings). For this year, we are targeting 8.4 million,” aniya, idinagdag na karamihan ay itatanim sa Visayas at Mindanao dahil sa soil at climate suitability.

Gayunman ay binigyang-diin niya ang pangangailangan na dagdagan ang budget para sa fertilization program ng PCS upang mapataas ang produksiyon ng niyog.

Ayon kay Buted, humihingi sila ng P2.4-billion budget para sa fertilization, na makapagpapataas sa nut productivity ng 15 percent.

“Iyong first year natin, magkakaroon ng 15 percent yield (increase). And then the following year, it’s 20, and 25 percent increase yield,” sabi pa niya.

Aniya, ang malawakang planting at replanting effort, kasama ang nadagdagang productivity ay makatutulong upang mabawi ng Pilipinas ang puwesto nito bilang pangunahing coconut exporter sa susunod na lima hanggang 10 taon.

“Kung ganun iyong magiging mindset natin, we will really bring back… that the Philippines will be the number one producer in the coconut industry,” ayon kay Buted. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay second largest coconut exporter sa buong mundo, susunod sa Indonesia at nauuna sa India.

Ang produksiyon ng bansa ay bahagyang bumaba noong  2023 dahil sa epekto ng El Niño phenomenon, sa 14.89 million metric tons, mula 14.93 MMT noong 2022.

Ulat mula sa PNA