INANUNSIYO ng Department of Agriculture (DA) ang target availability ng 10,000 doses ng African swine fever (ASF) AVAC live vaccines sa ikatlong linggo ng Agosto.
Naunang sinabi ng DA na maaaring dumating sa Setyembre ang emergency procurement ng mga bakuna para tugunan ang muling pagkabuhay ng ASF sa Batangas.
“Hopefully, in the next two weeks available itong emergency purchase ng bakuna. Bagama’t 10,000 doses pa lamang, malaking tulong ito,” pahayag ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa sa isang panayam.
Ayon sa DA, hanggang noong Biyernes, 38 barangays sa Calatagan, Lian, Lipa City, Lobo, Rosario, San Juan, Talisay, at Tuy ang nag-ulat ng mga kaso ng ASF.
“Almost 40 barangays iyong nagkaroon agad ng ASF sa walong bayan ng Batangas, medyo mabilis ito. Kaya nag-utos agad si Secretary Kiko (Francisco) Tiu Laurel Jr., kailangan nilang magdagdag ng checkpoints na mayroon sila ngayon para mapigilan,” ani De Mesa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng vaccine rollout lalo na’t halos 1 million ang hog population sa naturang probinsya.
“That’s practically 10 percent of the existing hog population na mayroon tayo sa buong bansa. And it’s very important na (that) we need to protect the remaining hogs,” sabi ni De Mesa, binanggit ang depopulation ng 1,523 heads sa mga apektadong lugar.
Ang Calabarzon region, na kabilang ang Batangas, ay second largest source ng baboy kasunod ng Central Luzon.