(Inaasahan sa Marso dahil sa pagmahal ng fuel surcharge) TAAS-PASAHE SA EROPLANO

NAGBABADYANG tumaas ang pasahe sa eroplano sa susunod na buwan makaraang itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level para sa Marso.

Sa isang abiso, sinabi ng CAB na ang passenger at  cargo fuel surcharge para sa domestic at  international flights ay itinaas sa Level 6 para sa March 1–31 period, mula sa kasalukuyang Level 5.

Ang fuel surcharge ay isang optional fee, bukod sa base fare, na maaaring ipasa ng airlines sa mga pasahero para makabawi sa pagtaas ng presyo ng jet fuel.

Sa ilalim ng Level 6, ang mga pasahero ay magbabayad ng P185 hanggang P665 na fuel surcharges para sa domestic flights, depende sa layo ng biyahe.

Para sa international flights, ang surcharge ay naglalaro sa P610.37 hanggang P4,538.40.

Sa ilalim ng kasalukuyang Level 5, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay nasa   P151 hanggang P542 depende sa layo.

Samantala, para sa  international passenger flights na magmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula P498.03 hanggang P3,703.11.

“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharges for the same period must file [their] application with this Office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” sabi ng CAB.