(Inaasahan sa mga susunod na linggo) P44-P46 KADA KILO NA BIGAS

INAASAHANG bababa ang presyo ng well-milled rice sa  P44 hanggang P46 kada kilo kasunod ng pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, ayon sa isang opisyal ng Department of Agriculture (DA).

Naobserbahan din ng Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) ang pagbaba ng presyo ng bigas sa ibang bansa, at sinabing ang presyo kada metriko tonelada ng staple food ng mga Pinoy ay bumaba sa $580 mula $612.

“Hopefully, patuloy na bumaba ‘yung presyo sa international market and it will have an impact doon sa parating na imported rice,” wika ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel V. De Mesa.

“Babalik ‘yan sa range na P44 hanggang P46 na presyo ng well-milled rice,” dagdag pa niya.

Mas mataas naman ang pagtaya ni SINAG chairman Rosendo So sa magiging presyo ng bigas sa mga susunod na linggo.

“‘Yung local harvest natin ng palay na dati ang presyo nasa P26 ngayon bumaba ng P24. Equivalent nu’n is more or less nasa P47 to P48 na bigas,” ani So.