(Inaasahan sa mga susunod na linggo) PRICE HIKE SA 40 PRODUKTO

MAHIGIT 40 produkto na nasa ilalim ng listahan ng basic necessities and prime commodities na binabantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang inaasahang tataas ang presyo sa mga susunod na linggo.

Ang nasabing mga produkto ay kinabibilangan ng instant noodles, sabon, bottled water, at iba pang basic items.

Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, maglalabas sila ng bagong bulletin sa susunod na buwan.

“‘Yung paglabas natin ng SRP (suggested retail price) bulletin, maybe po next month, to cover all of the basic necessities and prime commodities na na-review na po natin ‘yung mga price adjustment,” sabi ni Nograles.

Binago na ng DTI ang timing ng paglalabas ng bulletin.

Dati ay naglalabas ang ahensiya ng SRP bulletin bago ipatupad ang adjustments sa mga tindahan. Sa pagkakataong ito, ang bulletin ay ilalabas pagkatapos na mag-reflect ang mga pagbabago.

“We are asking the manufacturers to let us know once the price adjustment have been effective at the store front para at least aligned tayo,” sabi ni Nograles.

Inaprubahan ng DTI ang pagtaas sa presyo ng sabon, canned sardines, at powdered milk noong Enero.

Noong mga panahong iyon ay pinag-aaralan din ng DTI ang hirit ng ilang  manufacturers na taas-presyo sa bottled water, instant noodles, tinapay at iba pang canned products, kabilang ang corned beef at meat loaf,  kandila at baterya.

Ayon sa DTI, ang mga manufacturer ay noon pang 2022 humirit ng price increase subalit pinakiusapan na ipagpaliban ang pagpapatupad nito.