(Inaasahan sa mga susunod na linggo) TAAS-PRESYO SA AGRI PRODUCTS

INAASAHAN ang pagtaas ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa mga susunod na linggo, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

“We expect the prices of agricultural products to increase because the prices of raw materials are going up,” sabi ni SINAG president Rosendo So sa panayam sa Dobol B TV.

Gayunman, sinabi ni So na ang taas-presyo ay hindi bibiglain kundi unti-unti lamang.

Ayon kay So, partikular na tumaas ang harvest price ng mais ng P0.50 kada kilo.

Dahil dito, sinabi ni So na sa mga darating na linggo, ang production cost ng mga magsasaka ay tataas din na magreresulta sa pagsirit ng presyo ng kanilang mga produkto.

Dagdag pa niya, magkakaroon din ng pagtaas sa presyo ng isda at gulay, gayundin sa manok bagaman wala itong isyu ng supply.

Wala naman aniyang inaasahang dagdag-presyo sa bigas sa ngayon.