(Inaasahan sa mga susunod na taon) MAS MALAKAS NA PH-SOUTH KOREA BILATERAL TIES

SA ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea na ginunita nitong Marso 3, nagpahayag ng pag-asa si Senador Win Gatchalian na lalakas pa ang bilateral relations ng dalawang bansa sa mga darating na taon.

Inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 946, na kumikilala sa pagtutulungan ng Pilipinas at South Korea at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

“Inaasahang mas lalalim pa ang pagsasamahan ng Pilipinas at South Korea habang parehong isinusulong ang iba’t ibang partnership sa lahat ng areas of interest ng dalawang kampo pati na rin ang kooperasyon tungo sa pag-unlad ng kani-kanilang ekonomiya,” sabi ni Gatchalian, na itinalaga ni Senate President Zubiri bilang chairperson ng Philippines-Korea Parliamentary Friendship Association sa Senado.

Binanggit ng senador na ang South Korea ay kabilang sa pinakamalaking development partner ng Pilipinas. Noong 2020, umabot sa USD 2.1 bilyon ang kontribusyon ng South Korea sa Pilipinas.

Ang South Korea ay napakahalagang trade and investment partner ng Pilipinas. Pang-apat ito pagdating sa bilateral trade na umabot sa $15.45 bilyon at pang-anim sa kabuuang naaprubahang pamumuhunan na umabot sa $90.62 milyon noong 2022.

Ang dalawang bansa ay pumasok sa isang kasunduan o free trade agreement (FTA) noong Setyembre 2023 para lalo pang mapalakas ang kanilang bilateral relations. Inaasahang sa pamamagitan ng FTA ay maaalis na ang taripa sa karamihan ng mga produkto sa Pilipinas at South Korea at mas huhusay ang mga pamumuhunan sa ilalim ng economic and technical cooperation ng naturang trade deal sa mga industriyang tulad ng smart farming, paggawa ng pelikula, at electric vehicles, dagdag ni Gatchalian.

Noong Hunyo 2022, may higit 200 South Korean companies ang rehistrado sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na may kabuuang investment na P89.86 bilyon sa iba’t ibang economic zone sa bansa.

Ang mga kompanyang ito sa South Korea ay may 44,359 manggagawa na nakapagtala ng $1.1 bilyon na kita sa pag-e-export noong Agosto 2022.

Naglunsad din ang dalawang bansa ng mga bagong platform para sa diyalogo para sa blue economy, gayundin sa iba pang mga lugar ng pakikipagtulungan sa mga pangunahing maritime issues.

Bukod dito, ang magandang relasyon ng dalawang bansa ay nagtulak sa 62,000 Pilipino na manirahan sa South Korea. Noong 2023, ang South Korea ay pangunahing pinagmulan ng mga dayuhang turista sa Pilipinas — 26.41% o mahigit 1.44 milyon ng kabuuang mga dayuhang turistang dumating sa naturang taon.

VICKY CERVALES