NARARAPAT nang tapusin ang paghihintay ng mga Pilipino para sa mas mabilis, mura at maaasahang internet sa gitna ng pag-upgrade ng telecommunications companies sa mas mataas na uri ng teknolohiya, ayon kay Senadora Grace Poe.
“Sa ating depinisyon ng new normal, dapat kasama rito ang internet access ng bawat Pilipino,” ani Poe.
“Nararapat lamang na mabigyan ng parehong kalidad ng internet ang ating mga kababayan gaya sa ibang bansa,” sabi pa ng senadora.
Idinagdag ng chairperson ng Senate committee on public services na inaasahan ng publiko na ang pagpapalakas at pagpapalawig ng kapabilidad ng mga telco ay aagapay sa inklusibong pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Hiniling ni Poe sa mga regulator ng pamahalaan na tiyaking ang mga pinag-iibayong digital infrastructure ay magtutuloy-tuloy at hindi magiging sanhi ng pagkaantala ng mga serbisyo nito.
Dapat din aniyang tumupad ang mga telco sa kanilang pangakong mga imprastraktura ayon sa itinakda nilang panahon nang walang dagdag-pasanin sa publiko.
Gayundin, muling Isinulong ni Poe ang paglulunsad ng pamahalaan sa National Broadband program.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), kung makukumpleto ang Phase 1 ng programa sa Pebrero 2022, bibilis ang internet ng 200 mbps para sa mga ahensya at departamento ng pamahalaan.
“Ang hindi maiiwasang online classes, work-from-home arrangements at mga transaksiyon sa negosyo ngayong pandemya ang dahilan ngayon kung bakit naging lubhang kailangan ang serbisyo ng internet para sa lahat,” ayon kay Poe.
“Inaantabayanan ng ating mga kababayan ang pagdating ng panahong matatamasa na nila ang totoong digital transformation,” dagdag pa ng senadora. VICKY CERVALES