(Inaasahan sa Oktubre) TAAS-SINGIL SA KORYENTE

NAMUMURO ang panibagong pagtaas sa singil sa koryente sa Oktubre.

Ito’y makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang aplikasyon ng Meralco na i-adjust ang rates dahil sa pagtaas sa halaga ng koryente na nagmumula sa natural gas-fired power plants mula sa suppliers First Gas Power Corp. at FGP Corp.

Sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta sa ABS-CBN News na ang pagtaas sa presyo ay maaaring sanhi ng numinipis na suplay ng natural gas ng Malampaya at sa import costs ng liquefied natural gas.

“Dahil itong mga projects na ito, una dapat tumatakbo ang ginagamit ay Malampaya, but alam natin ngayon na pakonti na ‘yong supply na galing sa Malampaya, lumaki ‘yong portion na nanggaling sa LNG o liquefied natural gas na iniimport natin at mas mahal kaya tumaas po ang gastusin nila para panggatong sa planta para nagpaalam sila na magtaas din ng rates na sisingilin nila,” paliwanag ni Dimalanta.

Bukod dito, ang Malampaya supplier ay nagtaas din, aniya, ng rates.

Sa pagtaya ng ERC, ang rate hike ay nasa 33 centavos per kilowatt-hour, na magre-reflect sa generation charge ng Meralco customers simula sa Oktubre.

“The estimate is computed from LNG use estimated at 30 centavos and another 2 to 3 centavos will be collected for the differential for the months of January to September.”

Ayon sa ERC chief, ang differential ay ikakalat sa 12 buwan upang mapagaan ang epekto ng rate hike.

Ang Meralco customers na kumokonsumo ng 200 kwh ay inaasahang magkakaroon ng dagdag na P66 kada buwan.

“Naka-spread siya ng 12 months kasi po ito ‘yong na-accumulate, ito ‘yong naipin ng anim, pitong buwan na hindi pa natin silang pinayagang maningil habang ine-evaluate natin so naipon po ‘yon,” ayon pa kay Dimalanta.

“Kung hindi po natin sila papayagang mag-increase, baka tumigil silang mag-supply so outages naman po ‘yong kapalit so ‘yon po ‘yong tina-try nating ibalanse,” dagdag pa niya.

Sa isang statement ay sinabi ng Meralco na wala pa itong final computations para sa dagdag-singil.

“While we have yet to do the final computations, rest assured that Meralco will duly inform the ERC and public about the actual impact of this order on the power rates,” ayon sa Meralco.