(Inaasahan sa pag-alis ng India ng ban sa non-basmati rice) WORLD PRICE NG BIGAS BABABA

NANINIWALA ang Department of Agriculture (DA) na ang pag-aalis ng India ng export ban sa non-basmati rice ay maaaring makatulong upang mapahupa ang global price pressures.

“We hope that (the) world price of rice will go down a bit,” wika ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Noong Sept. 28 ay ipinag-utos ng pamahalaan ng India na gawing USD490 per metric ton ang export floor price ng non-basmati white rice.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na makatutulong ito upang mapababa ang global pricing lalo’t ang India ang nagsusuplay ng 40 percent ng global rice imports.

“Nawawala iyong pressure doon sa, kunwari, karamihan manggagaling ng Vietnam, manggaling ng Thailand dahil limited nga iyong nanggagaling sa bansang India. Pero dahil nawala itong restrictions na ito, malaking volume iyong ma-free-up for trade,” aniya.

Sinabi pa niya na ang base price para sa non-basmati white rice ay mas mababa kaysa international prevailing price na nasa mahigit USD500 per metric ton.

“Ang importante kasi dito iyong magiging mas maluwag, mas magiging maganda iyong trading, which will have an impact sa overall presyo ng bigas sa buong mundo,” ani De Mesa.

Samantala, sinabi ni Federation of Free Farmers national manager Raul Montemayor na ang hakbang ng India ay maaaring mangahulugan ng mas mababang import prices para sa Filipino importers.

“India could resume supplying African and Middle Eastern countries who temporarily shifted to Asian suppliers when the ban was still in place. Lower demand could force Asian exporters like Thailand and Vietnam to lower their prices to maintain their market share,” aniya.

Magugunitang noong July 2023 ay nagpatupad ang India ng export ban sa non-basmati white rice na sa huli ay nagresulta sa international market supply at price pressures, gayundin sa pagsipa ng presyo ng imported rice na pumalo sa halos P60 kada kilo sa Pilipinas. ULAT MULA SA PNA