BABABA na ang presyo ng galunggong.
Ito, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ay makaraang alisin na ang closed fishing season sa Palawan.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na binuksan na ang fishing ground sa Palawan noong Huwebes makalipas ang tatlong buwang pagsasara para sa conservation measure.
“Inaasahan na po natin na sa mga susunod na linggo ay itaas na ang unloading natin ng galunggong sa ating pamilihan,” sabi ni Briguera.
Aniya, kapag nag-improve na ang suplay ng locally produced galunggong, inaasahan na bababa na rin ang presyo nito.
Ang closed fishing season para sa round scad o galunggong sa Palawan ay nagsimula noong Nobyembre 1, 2023.
Ipinagbawal din ang paghuli ng sardinas, herring, at mackerel sa Visayan Sea, gayundin ang sardinas sa Zamboanga Peninsula mula Nobyembre 15, 2023 hanggang Pebrero 15, 2024.