INAASAHAN ang pagsipa ng presyo ng langis at harina sa bansa sa gitna ng umiigting na krisis sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.
Ayon sa mga negosyante, ‘di maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng harina dahil malaking bahagi ng wheat supply ay nagmumula sa Russia, Ukraine, gayundin sa iba pang bahagi ng Europa.
Sinabi ni presidential adviser for entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na maaaring magkaroon ng supply chain disruption kapag lumala pa ang sitwasyon.
Dahil dito ay inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng mga produkto na gawa sa harina tulad ng tinapay.
Ang presyo ng gasolina, na tumaas na ng walong sunod na linggo, ay inaasahan ding sisirit pa, ayon kay Political Science and International Relations Professor Anna Malindog-Uy, dahil ang Russia ay nahaharap sa economic sanctions.
“Naglabas na ng sanctions ang US at saka ‘yung Britain… Ang supply ng natural gas sa European countries, mauudlot…‘Pag nangyari iyan, ang impact diyan, magsi-shift to oil ang mga European states, ‘pag nagkataon, supply and demand iyan eh,” ani Malindog.