(Inaasahan sa paghina ng piso)TAAS-SINGIL SA TUBIG SA 2023

maduming tubig

NAKAAMBA ang pagtaas sa singil sa tubig sa susunod na taon sanhi ng paghina ng piso, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System(MWSS).

Sinabi ni Chief Regulator Patrick Lester Ty na ang paghina ng piso ay magkakaroon ng epekto sa rates sa January 1, 2023.

“It will have an effect definitely, but we will try our best to minimize or at least spread this increase through the next five years, so ‘yun ang balak natin na hindi ho sana mabigla ang ating consumers,” aniya.

Sa huling limang trading days ay patuloy sa pagsadsad ang piso kontra dolyar kung saan noong Martes ay muntik na itong umabot sa P59:$1 level nang magsara ito sa P58.99:$1.

Inaprubahan ng MWSS noong November 2021 ang pag-aalis sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) sa customer bills ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Service Inc., at ginawa itong “transitory adjustment.”

Ang FCDA ay isang quarterly-reviewed tariff mechanism na nagbibigay-daan para mabawi ng concessionaires ang pagkalugi o maibalik ang kinita mula sa paggalaw sa foreign exchange rates.

“What we are doing right now, since there’s a revised concession agreement (RCA) that’s coming up, once that RCA is effective, then there will be no more FCDA,” paliwanag ni Ty.

“Isinama na namin sa rate rebasing para hindi na po every quarter nag-a-adjust ngayon at hinihintay na lang nating matapos ang rate rebasing,” dagdag pa niya.