MAS murang pasahe sa eroplano ang inaasahang sasalubong sa mga biyahero sa pagpasok ng “Ber” months sa Setyembre makaraang ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level kapwa sa domestic at international flights.
Sa isang advisory, sinabi ng CAB na ang passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinakda sa Level 5 para sa September 1 -30, 2024 period, mula sa kasalukuyang Level 6.
Ang fuel surcharge ay isang optional fee, bukod sa base fare, na maaaring ipasa ng mga airline sa mga pasahero upang mabawi ang gastos sa aviation fuel upang hindi sila malugi kapag biglang sumirit ang presyo nito.
Ina-adjust ng CAB ang fuel surcharges base sa price movement ng jet fuel.
Sa ilalim ng Level 5, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay mula P151 hanggang P542 depende sa layo, habang para sa international passenger flights na nanggagaling sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula P498.03 hanggang P3,703.11.
Sa ilalim ng kasalukuyang Level 6, ang mga pasahero ay nagbabayad ng P185 hanggang P665 na fuel surcharges para sa domestic flights, depende sa layo.
Para sa international flights, ang surcharge ay mula P610.37 hanggang P4,538.40.
“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharges for the same period must file its application with this Office on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” ayon sa CAB.