(Inaasahan sa susunod na buwan)PRICE CUT SA ASUKAL

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PCAFI president Danilo Fausto na ang sugar millers ay may pinagsamang kapasidad na 8,000 metric tons (MT) kada araw.

Aniya, ang importasyon ng 200,000 MT sa pamamagitan ng Sugar Order (SO) No. 3 na inisyu noong Pebrero ay pumasok na sa local market at inaasahang makatutulong sa pagpapabuti ng local supplies at pagpapababa ng presyo ng asukal.

“(N)ag-import na tayo ng 200,000 metric tons simula Mayo hanggang July. Dumating na ‘yung mga 86 to 90 percent n’yan. So palagay ko, maitatawid na natin ito dahil ang alam ko ‘yung mga sugar mill, mag-start na ng milling by next week, so local supply will now be augmented,” sabi ni Fausto.

Gayunman ay hindi niya matiyak kung magkano ang ibababa ng presyo ng asukal dahil ikokonsidera ang iba pang salik tulad ng presyo ng langis at fertilizer.

Inaprubahan ng Sugar Regulatory Authority (SRA) ang pag-angkat ng 200,000 MT ng asukal sa pamamagitan ng SO No. 3 sa gitna ng epekto ng bagyong Odette noong 2021 at ng iba pang natural disasters sa sugar farmers at millers.

Ayon kay Fausto, may 2.1 million MT ang inaasahang mapoprodyus, ngunit bumagsak ang produksiyon sa 1.8 million hanggang 1.9 million MT dahil sa mga bagyo sa huling bahagi ng nagdaang taon.

Dagdag pa niya, 50 percent ng produced sugar ay napunta sa industrial users, 30 percent sa household consumers, at 20 percent sa mga institusyon, tulad ng restaurants at hospitals.

Sa inaasahang paglakas ng supply sa mga darating na buwan, sinuportahan ng PCAFI chief ang desisyon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na harangin ang muling pag-angkat ng 300,000 MT ng asukal.

“Tama si Presidente na ‘wag papasukin ‘yung 300,000 [MT] kasi mag-uumpisa na ‘yung milling at saka ‘yung harvest eh (The President is right in blocking the 300,000 MT because milling and harvest will soon start),” aniya.

PNA