(Inaasahan sa susunod na linggo) BAWAS-PRESYO SA PETROLYO

MATAPOS ang dalawang sunod na big-time oil price hike ay inaasahan naman ang rolbak sa susunod na linggo.

Ito ay makaraang bumagsak ang presyo ng imported na petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sa unang apat na araw ng trading, nasa halos P3 ang ibinaba ng presyo ng gasolina, at mahigit P1 sa diesel at kerosene.

“We’ll be expecting more than P2 dun sa gasolina… ‘Yung diesel posibleng more than P1 probably P1.50 kung magtutuloy ngayong Friday but to be safe ang diesel more than P1, kerosene more than P1,” sabi ni Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng Department of Energy (DOE).

Gayunman, sinabi ng mga eksperto na hindi masabi kung magtutuloy-tuloy ang bawas-presyo.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong Martes, Agosto 30, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.40, diesel ng P6.10, at kerosene ng P6.10.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang August 23, 2022, ang presyo ng gasolina ngayong taon ay tumaas na ng P18.15 kada litro, diesel ng P31.70 kada litro, at kerosene ng P27.10 kada litro.