(Inaasahan sa susunod na linggo) BIG-TIME OIL PRICE ROLLBACK

MAY malakihang bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang inaasahan sa susunod na linggo.

Tinukoy ang oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw (August 1-4), base sa Mean of Platts Singapore (MOPS), sinabi ng isang oil industry source na ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring bumaba ng P1.70 hanggang P2.00.

Samantala, nasa P1.50 hanggang P1.80 kada litro ang inaasahang bawas-presyo sa gasolina.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Agosto 2, ang presyo ng diesel ay bumaba ng P0.60 kada litro habang ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.75 kada litro.