(Inaasahan sa susunod na linggo) OIL PRICE HIKE NA NAMAN

PAGTITIPID NG GASOLINA

MAY inaasahang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ng mga taga-industriya, ang presyo ng diesel at kerosene ay tataas ng P0.90 hanggang P1.10 kada litro.

Nasa P0.20 hanggang P0.50 kada litro naman ang posibleng dagdag sa presyo ng gasolina.

Noong nakaraang Martes, Agosto 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.30, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.80.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Ito na ang ika-8 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-9 na sunod para sa diesel at kerosene.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 29, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P14.80 kada litro, diesel ng P9.50 at kerosene ng P6.64 kada litro.