(Inaasahan sa susunod na linggo) P1.80-P2/L BAWAS-PRESYO SA PETROLYO

petrolyo

MATAPOS ang big-time price hike, makaaasa ang mga motorista ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa fuel price forecast ng Unioil Petroleum Philippines, ang presyo ng diesel ay maaaring bumaba ng  P1.80 kada litro habang ang gasolina ay inaasahang may rolbak na P2 kada litro.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong Martes, Marso 29, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P3.40 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina,  P8.65 sa kada litro ng diesel, at P9.40 sa kada litro ng kerosene.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P18.30 kada litro, diesel ng P27.85 kada litro, at kerosene ng P25.75 kada litro.