(Inaasahan sa susunod na linggo) P11/L ROLBAK SA DIESEL, P6/L SA GASOLINA

Petrolyo

SA WAKAS ay makakahinga nang maluwag ang mga motorista sa inaasahang big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ng mga taga-industriya, ang presyo ng kada litro ng diesel ay bababa ng P11 hanggang P11.70, gasolina ng P6 hanggang P6.20, at kerosene ng P8.70 hanggang P8.80.

Ito ang unang oil price rollback ngayong taon matapos ang 11 sunod na linggong taas-presyo.

Noong nakaraang Martes, Marso 15, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P13.15 taas-presyo sa kada litro ng diesel, P7.10 sa kada litro ng gasolina at  P10.50  sa kada litro ng kerosene.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P30.65, gasolina ng P20.35, at kerosene ng P24.90.