PANIBAGONG rolbak sa presyo ng diesel ang nagbabadya habang posibleng bahagyang tumaas ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo.
Tinukoy ang oil trading monitoring sa nakalipas na araw (July 25-28), base sa Mean of Platts Singapore (MOPS), sinabi ng isang taga-industriya na ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring matapyasan ng P1.00 hanggang P1.20.
Samantala, posible namang tumaas ang presyo ng gasolina ng P0.50 hanggang P0.70 kada litro. Maaari pang magbago ang tinatayang price adjustments sa petrolyo depende sa paggalaw sa trading nitong Biyernes.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Hulyo 26, ang presyo ng kada litro ng diesel ng P1.85, gasolina ng P0.40, at kerosene ng P1.30.
Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P18.90 habang ang diesel ay may net increase na P32.95 kada litro.
Sa datos mula sa Department of Energy, hanggang nitong Hulyo 26-28, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P67.40 hanggang P77.81 sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P74.05 hanggang P77.75 kada litro sa Manila.