(Inaasahan sa tariff rate cup) P6-P7/KILO NA BAWAS SA PRESYO NG BIGAS

INAASAHAN ang mas mababang presyo ng bigas sa merkado matapos ang pagtapyas sa taripa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“The NEDA Board approved a reduction in the tariff sa rice… that would trigger reduction in prices. Impact on the price per kilo of the tariff reduction is about P6 to P7… That would be substantial,” pahayag ni PSA chief at  National Statistician Claire Mapa sa isang press briefing.

Gayunman, sinabi ni Mapa na ang pagtaya sa kada kilo na price cut sa bigas bunga ng tariff rate reduction ay isang “mabilis na kalkulasyon” lamang.

“In terms of actual impact, we will still rely on the survey data,” aniya.

Noong Martes ay inaprubahan ng NEDA Board, na pinamumunuan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., ang pagtapyas sa rice import tariff rate sa 15% mula 35% hanggang 2028 sa layuning mapababa ang presyo ng bigas, lalo na sa mahihirap na Pilipino.

Ayon kay Mapa, magreresulta rin ito sa mas mababang rice inflation na siyang pangunahing nag-aambag sa pangkalahatang inflation sa bansa.

“That will have a large impact on inflation for rice and overall inflation,”ani Mapa.

Bilang halimbawa, sinabi ng PSA chief na ang bigas ay nag-ambag ng 1.7 percentage points sa 3.9% inflation rate noong Mayo.

Samantala, ang rice inflation noong Mayo ay nasa 23%, mas mabagal kumpara sa  23.9% na naitala noong Abril sa gitna ng patuloy na pagbaba ng global rice prices.

Sa retail level, ang average price per kilo ng regular milled rice noong Mayo ay nasa P51.25 mula P51.3 per kilo noong Abril. Ang presyo ng well-milled rice noong nakaraang buwan ay nasa P56.42 kada kilo mula P56.6 kada  kilo noong Abril, habang ang special rice ay bahagyang bumaba sa P64.41 kada kilo mula P64.68 kada kilo noong Abril.

PAULA ANTOLIN