INAASAHAN ang P145 billion na karagdagang kita sa sandaling patawan ng pamahalaan ng 12-percent value added tax (VAT) ang digital transactions simula 2024 hanggang 2028, ayon sa Department of Finance (DOF).
Ang pahayag ay ginawa ng DOF sa pagdinig ng Senado sa mga panukala na naglalayong pagbayarin ng VAT ang mga digital service provider.
“If we will use 100 percent compliance, for the five- year period, I recall that this will amount to P145 billion,” sabi ni Finance Undersecretary Dakila Napao sa Senate ways and means committee.
Sa 50 percent compliance, sinabi ni Napao na maaaring makakolekta ang gobyerno ng P77 billion sa kaparehong panahon.
Ang pagtaya ng ahensiya ay para sa pagpapataw ng VAT mula sa digital media na kinabibilangan ng digital music, video games, at video-on-demand o streaming platforms.
Kasama rin dito ang tinatayang buwis mula sa digital advertising, kabilang ang audio, banner, classified, influencers, search, at video advertisements.
Ayon sa DOF, hindi naman kasama sa VAT sa digital services ang educational services at sale ng online subscription-based services.
Paglilinaw ng opisyal, hindi nagpapataw ang pamahalaan ng bagong buwis, kundi pinalalakas lamang nito ang kapangyarihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mangolekta ng VAT sa digital transactions.
Dahil sa paglago ng digital economy, sinabi ng DOF na maraming bansa sa East Asia ang nangongolekta na ng buwis mula sa digital transactions at services, tulad ng Cambodia, Indonesia, Japan, Laos, Malaysia, Singapore, South Korea, Taiwan, Thailand, at Vietnam.