(Inaasahang lalagdaan sa Japan visit ni PBBM)7 BILATERAL AGREEMENTS

PITONG bilateral agreements ang inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtungo niya sa Tokyo, Japan sa susunod na linggo para sa limang araw na official working visit.

Sa pre-departure briefing sa Malacanang, inihayag ni Foreign Affairs Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs, Neal Imperial na inaasahan nilang muling pagtitibayin ng Japan trip ni Pangulong Marcos ang malakas na ugnayan ng dalawang bansa.

“Upon the invitation of Japan’s Prime Minister Fumio Kishida, President Ferdinand Marcos Jr. will visit Japan for an official working visit on Feb. 8-12,2023,” ani Imperial.

Ang Japan, ayon kay Imperial, ang unang bansa na mayroong strategic partnership sa Pilipinas, at pinakamalaking bilateral source ng Official Development Assistance o ODA na tumutulong sa malalaking proyekto ng gobyerno mula sa edukasyon, agrikultura, teknolohiya at iba pa.

Inaasahan sa Japan trip ang mga oportunidad na ma-maximize ang full potential ng Philippine-Japan strategic partnership sa aspeto ng defense, security, political, economic, at people-to-people ties.

Ayon kay Imperial, kabilang sa mga key bilateral agreement na malalagdaan ang may kinalaman sa infrastructure development, defense, agriculture, at information and communications technology na pasok sa priority agenda ni Pangulong Marcos.

Sinabi pa ni Imperial na inaasahan ding makakaharap nina Pangulong Marcos at First Lady Louise Araneta Marcos sina Emperor Naruhito at Empress Masako.

Mag-uumpisa naman ang official activities ng Pangulo sa Pebrero 9 kung saan kasama sa kanyang mga aktibidad ang pakikipagkita sa Filipino community sa Tokyo bago ito bumalik sa Pilipinas.

EVELYN QUIROZ