NASA isang milyong metriko tonelada ng bigas ang inaasahang maibibigay na alokasyon ng Pakistan sa Pilipinas sa oras na maselyuhan ang kasunduan ng dalawang bansa sa Hunyo 2025.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), pupunan nito ang sangkapat ng taunang import requirement ng Manila sa pangunahing pagkain.
Nakipagkita si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kay Pakistani Ambassador to Manila Dr. Imtiaz Kazi noong December 16 upang tingnan ang mga pangunahing oportunidad para mapalalim ang kalakalan sa agrikultura sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Ambassador Kazi ang lumalaking papel ng Pakistan bilang ikatlong pinakamalaking supplier ng bigas sa Pilipinas, kasunod ng Vietnam at Thailand. At sa matapang na pagkilos, ipinangako niya ang 1 MMT ng bigas kada taon sa Pilipinas sa angkop na presyo, bilang hudyat ng strategic partnership na maaaring humubog ng rice import dynamics.
Ang paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ay iminungkahi rin ni Kazi upang selyuhan ang parnership. Sumang-ayon naman si Tiu Laurel na umaasang maisasapinal ang kasunduan sa Hunyo 2025.
Tinalakay rin ng dalawang opisyal ang pagpapalawak sa kooperasyon at iba pang paraan para pag-iba-ibahin ang mga kalakal sa pagitan ng dalawang bansa.
Hinimok naman ni Ambassador Kazi ang Pilipinas na subukang mag-export ng sariwang produkto nito katulad ng mangga, saging at durian sa malawak na Muslim market sa Pakistan. Nagpahayag naman si Tiu Laurel ng interes sa naturang panukala ni Kazi at nangakong pag-aaralan ang modernong paraan ng agrikultura sa Pakistan, partikular sa irigasyon, post-harvest technology at Halal certification.
Ma.Luisa Macabuhay- Garcia