QUEZON PROVINCE- SUGATANG isinugod sa ospital ang isang tricycle driver matapos barilin ng kapwa niya tricycle driver sa may Sitio Bagong Pook bahagi ng Barangay Bucal Sur bayan ng Candelaria kahapon.
Kinilala ang biktima na si Morfe Lopez Azul na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan matapos barilin ng dalawang beses ng suspek na si Teodoro Ramos Rustia Jr., kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Base sa ulat ng Candelaria PNP, sinita ng suspek ang biktima dahil sa ginawa nitong double parking sa kalye na nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaril.
Kasalukuyang nasa pagamutan si Morfe Azul at nakaligtas sa kamatayan mabilis namang tumakas ang suspek na si Rustia Jr.
Agad namang nagsagawa ng follow up police operation ang pulis na si Cpl. Reniel Uy Marin upang madakip ang tumakas na suspek.
Pinuntahan ng pulis ang bahay ng suspek sa pag-aakalang doon ito nagtago sa may Sitio Bagong Pook Brgy Bukal Sur.
Subalit, wala ang naturang suspek at nakausap ng pulis ang kapatid nito na habang nakatayo sa harapan ng bahay ni Rustia Jr.ay bigla naman ang pagdating ng kapatid ng biktima.
Agad na binaril nito ng dalawang beses ang pulis sa pag-aakalang ito ang bumaril sa kanyang kapatid hindi na nakaganti ng putok si Marin na kaagad ay bumagsak dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang kaliwang dibdib.
Nagawa namang isugod sa St Peter Hospital ang pulis subalit habang ginagamot ay binawian na ito ng buhay samantala patuloy pa rin ang manhunt operation sa suspek na bumaril sa pulis na nakilalang si Efren Lopez Azul na kasalukuyan ng nagtatago.
Samantala, sugatan naman ang isang menor de edad na batang babae na kinilalang si Erica Shane Baliton kaanak ng suspek na driver ng tricycle matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa puwet habang ito ay nakatayo malapit sa kinaroroonan ng pulis na binaril.
Kasalukuyan ligtas na at ginagamot sa ospital ang nasabing menor de edad. BONG RIVERA