INAKALANG INATAKE, KELOT BINARIL PALA

CAVITE- NATAGPUAN ang isang lalaki na nakadapa at wala ng buhay na inakalang inatake sa puso subalit nang buhatin ay ikinagulat na may tama pala ng baril sa katawan sa Brgy.Ibayo Estacion, Naic.

Kinilala ang biktima na si alyas Alvin, 49- anyos at residente ng Sitio Munting Paraiso, Brgy. Ibayo Estacion, Naic, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ng kapitbahay na nakahandusay sa loob ng bahay ng biktima dahil na rin sa walang tigil na pagtahol ng mga aso.

Nakita umano nito ang biktima na nakadapa sa sahig sa loob ng bahay nito at inakalang inatake ang biktima.

Agad umano nitong ipinagbigay alam sa kapatid ng biktima ang pangyayari. Nang tinangka umanong buhatin upang dalhin sa ospital ay dito na nila nadiskubre ang duguang katawan na may tama ng baril.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, narekober ng mga ito ang slug ng bala sa katawan ng biktima at inaalam pa ang motibo at suspek sa pagpatay.
SID SAMANIEGO