(Inakalang inatake sa puso) AMA PINATAY NG ANAK

CAVITE- NADOBLE ang pagdadalamhati ng isang pamilya na ang inakalang ang pagkasawi ng kanilang ama ay atake sa puso, natuklasan na pinatay pala ng bunso nitong anak.

Ito ang lumabas sa masusing imbestigasyon ng Alfonso, Cavite police station matapos nilang matagpuan ang bangkay ng isang senior citizen sa bahay ng anak nito sa Barangay Luksuhin Ibaba, ng naturang bayan dakong ala-6 ng umaga nitong Biyernes.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Juanito Carsedo, 78- anyos, farm owner at residente ng naturang lugar.

Agad namang nadakip ng mga pulis ang suspek na si Joseph Carsedo, 29-anyos, binata at bunsong anak ng biktima.

Base sa pahayag ni Major Rommel Dimaala, chief of police ng Alfonso, Cavite, nagpaalam umano si Tatay Juanito sa anak nitong babae na magkakape sa bahay ng suspek.

Makaraan ang may kalahating oras, isang kapitbahay ang nagsabi sa anak na babae na nakahandusay sa harap ng bahay ni Joseph ang kanillang ama at hindi na humihinga.

Agad na tumawag ng mga pulis ang pamilya at dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival at sinabi ng pamilya na may sakit sa puso ang kanilang ama.

Subalit, lumabas sa awtopsiya na may mga bakas ng palo sa batok at ulo ang biktima mula sa isang matigas na bagay.

Agad na nagbalik sa bahay ng suspek ang mga pulis para mag- imbestiga at dito nakita nila ang isang maliit na palakol at isang short na may mga bahid ng dugo.

Mabilis na inaresto ng mga operatiba si Joseph na agad naman umamin sa krimen subalit sinabi nito na may bumulong umano sa kanya na patayin ang sarili nitong ama.

Sinabi naman ng pulisya na pera ang dahilan at motibo sa nangyaring krimen.

Sasailalim sa drug test at psychiatrict test ang suspek.
ARMAN CAMBE