AMINADO ang Philippine Statistics Authority (PSA) na ang threshold na itinakda nito para hindi maituring na “food poor” ang isang tao ay hindi sapat upang matugunan ang nutritional o dietary requirements sa isang araw.
Ayon sa PSA, muli nilang pag-aaralan ang kasalukuyang pamamaraan sa pagtatakda ng food poverty ceiling.
Nauna rito ay inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa isang pagdinig sa Senado, na hanggang noong 2023, ang monthly food threshold para sa isang pamilya na may limang miyembro ay P9,581 o P64 per person per day.
Ang threshold ay mas mataas sa P8,353 noong 2021 para sa isang pamilya na may limang miyembro.
Ang food threshold ay ang minimum income na kinakailangan para sa isang pamilya upang matugunan ang basic food needs, “which satisfies the nutritional requirements for economically necessary and socially desirable physical activities.“
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni National Statistician Claire Dennis Mapa na ang food threshold ay base sa sample food bundles (kasama ang almusal, tanghalin, hapunan, at meryenda), na maaaring magbigay ng basic nutritional needs, na inihanda ng mga nutritionist.
Base sa per capita food threshold data mula sa PSA, ang sample food bundle ay maaaring magbigay ng 100% energy, 123% protein , 119% calcium, 80% iron, 131% Vitamin A, 88% Thiamin, 80% Riboflavin, 249% niacin, at 106% Vitamin C.
“That’s how the bundle was arrived at… in other words, there’s science to it,” sabi ni Mapa.
Idinagdag pa ng PSA chief na ang food threshold ay nakabase sa most basic needs at “least-cost approach,” nangangahulugan na ang meals ay ipinapalagay na niluto sa bahay.
Gayunman, inamin ni Mapa na ang threshold ay “talagang sa tingin natin talaga insufficient ito.
“I agree, this is really basic ‘yung P64 per day. Most probably a lot of people won’t be happy about it,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ng National Nutrition Council na hindi sapat ang P64 na pagkain, o katumbas ng P21.30 sa bawat meal, para sa isang tao upang makakuha ng kailangan niyang energy at nutrients sa katawan sa isang araw.