Ito ang taas noong ipinagmamalaki ng isang 56 taong gulang na si Maria Palero Mendoza, ang kauna-unahang mangangalakal sa lugar ng Rosario, Cavite. Taong 2007 ay nagsimula na siyang mangalakal nang mapadpad sa Cavite. Galing pa siya sa probinsiya ng Camarines Norte, mangingisda ang trabaho ng kanyang asawa. Sa kasamaang-palad ay maagang nawala ang kanyang asawa at naiwan sa kanya ang tatlo nilang anak. Sa pagtagal ng panahon ay muli siyang nagmahal at nagbunga naman ito ng apat na anak ngunit tulad din ng una niyang asawa ay maaga rin itong namatay. Dahil sa kakulangan ng kita, lahat ng kanyang anak ay nakapagtapos lamang ng high school at ngayon ay katulong na rin niya sa pangangalakal at pahinante ng truck ng basura.
Hindi ganoon kadali para sa isang balong babae ang bumuhay ng malaking pamilya. Minsan pa nga ay tira-tirang pagkain na lamang mula sa fast food chains ang kanilang kinakain na tinatawag ding “pagpag.” Nire-recycle na lamang nila ito para pantawid-gutom lamang nila sa kanilang buong araw. Dumating din ang pagkakataong nagkaroon ng sakit na meningitis ang isa sa kanyang mga anak. Para may maipanggamot, halos araw-araw na siyang nangangalakal at ‘di iniinda ang pagdampi sa kanyang balat ng mainit na sikat ng araw at ang masangsang na amoy ng iba’t ibang basura na kanyang kinakalakal. Hindi na rin niya pinoproblema ang maaaring maging masamang epekto nito sa kanyang kalusugan.
Hangga’t kaya ng kaniyang katawan ay ‘di siya mag-aalinlangang gumawa at magtrabaho para sa ikabubuhay nila. Sa ngayon ay nananatili namang malakas ang kanyang anak na noo’y inakala niyang walang magbabago at ‘di na tuluyang gagaling.
Dahil sa kanyang kasipagan ay pinasok na rin niya ang pagiging checker at time keeper sa Munisipyo ng Rosario. Nakiusap lamang siya para may maidagdag siya sa kanyang kakarampot na kita mula sa pangangalakal. Nakita at nasaksihan ng bawat tao ang kanyang angking tiyaga at sipag. Kahit sa kanyang maliit na pangangatawaan ay ‘di mo siya makikitaan ng anumang panghihina, ni kapaguran.
Dahil dito, nagkaroon siya ng posisyon at sa ngayon ay nagtatrabaho na siya bilang Officer-In-Charge (OIC) sa Materials Recovery Facilities (MRF), matatagpuan ito sa Pandawan, Rosario, Cavite. Malaki naman ang naging tulong nito sa kanya ngunit kahit nakuha na niya ang posisyong ito, hindi pa rin maalis sa kanya ang una niyang kinasanayang trabaho, ang pangangalakal. Patuloy niya itong minahal.
Sa katunayan pa nga nito, halos lahat ng kanyang gamit at dekorasyon sa opisina ay pulot lamang niya. Tuwing umaga ay nasa opisina siya at pagsapit ng hapon, sa tambakan naman ang kanyang punta.
Naging maganda siyang inspirasyon sa bawat mamamayan sa Rosario.
Kaya naman marami rin ang nagmamahal sa kanya. Mataas din ang paggalang sa kanya ng nakararami. Bagama’t malaki ang oras na ginugugol niya sa trabaho kaysa sa kanyang sarili, kailanman ay hindi naman siya nawalan ng oras para alalahanin ang kaniyang pamilya.
Nakamamangha hindi ba? Dobleng pagkatao na halos ang ginagampanan niya. Siya na ang ama, siya pa ang ina.
Isa lamang ang nakikita at tumatak sa isip ko kung bakit saludo sa kanya ang lahat, dahil hindi hadlang sa kanya ang sasabihin ng iba. Basta usapang pamilya, gagawa at gagawa siya. Kung maaari nga lamang ay hatiin niya ang kanyang katawan sa iba’t ibang oras at panahon, gagawin niya basta’t makapagtrabaho lang. Hindi iindahin ang sakit ng pangangatawan, basta pamilya ang pinanghahawakan. Basura man ang lagi niyang kasama, dito naman siya umunlad at nakilala.
Patuloy na mapagkumbaba at magiting na ina.
Iyan si Maria. SID LUNA SAMANIEGO
Comments are closed.