INANGKAT NA BIGAS MULA VIETNAM AT THAILAND IDI-DELIVER PAGHUPA NG ULAN—NFA

NFA-RICE-2

INAASAHANG maidi-deliver sa Metro Manila ang mga nakaistak na bigas na inangkat mula sa Vietnam at Thailand ngayong lingo kapag humupa na ang pag-ulan dala ni Typhoon Domeng, pahayag ng National Food Authority (NFA).

Sa isang panayam, sinabi ng NFA spokesperson na si Rex Estoperez, na ang delivery ng inangkat na bigas—na nakikitang makatutugon sa kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa—ay nakatambay dahil sa masamang panahon.

“Hindi pa namin mababa ‘yung bigas namin doon sa Subic Port. Ngayong weekend, supposedly dumating na ‘yung barko ga­ling sa Vietnam at  Thailand para naman dito sa Metro Manila. Mga 1.5 million bags ‘yon na hindi pa rin dumarating dahil doon sa masamang panahon,” sabi niya.

Sinabi ni Estoperez na agad nilang idi-deliver ang mga sako ng bigas sa oras na umayos ang panahon.

“‘Pag lumiwanag na ang ating kalangitan, go na tayo, diskarga agad ‘yun,” he said. “Kasi naka-standby lang ‘yung mga sasakyan para mag-disperse sa ating mga bodega at sa ating mga pamilihang bayan.”

“Ngayong linggo si­guro, kapag nawala ‘yung ulan, magdidiskarga na kami,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Estoperez, na ang presyo ng NFA rice na inangkat ay mananati­ling nasa P27 at P32 bawat kilo.

“Ang instruction ng ating Pangulo kay Administrator Aquino, walang pagbabago ang bigas ng NFA, kahit medyo mataas at palugi tayo. ‘Yan naman ay subsidized, P27 at P32 (per kilo) pa rin ‘yung ating presyo,” sabi niya.

Idinagdag pa ni Estoperez na pag-iibayuhin ng NFA ang pagmo-monitor ng delivery ng bigas para mabantayan ang mga retailer sa paghahalo ng mga ito sa commercial rice.

“Meron tayong mga monitoring teams. Ang gagawin natin, i-intensify natin ang monitoring at pangala-wa ‘yung ating mga programa na diretso na natin kung maaari sa mga pamilihang bayan,” dagdag pa niya.

Comments are closed.