SIYAM na araw nang nakabinbin sa piyer ng Maynila at Subic sa Zambales ang supply ng bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA) dahil sa masamang panahon.
“Pang siyam na araw ngayon,” lahad ni NFA spokesperson Rex Estoperez sa isang panayam.
“Naka-tengga kasi roon sa Subic tsaka sa NCR ‘yung ating mga barko. Hindi natin maibaba dahil sa masamang panahon,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Estoperez, na idi-deliver ng NFA ang mga inangkat na bigas—na nakikitang makatutugon sa kakapusan ng supply—sa public markets sa oras na tumigil ang ulan o magbago ang kondisyon ng panahon.
“Mga pamilihang bayan lalo na sa urban center sila uunahin natin para to stabilize ‘yung presyo at ‘yung atin pong supply,” sabi ni Estoperez.
Sinabi ni Estoperez, na ang presyo ng bigas ng NFA ay mananatili sa halagang P27 bawat kilo at P32 bawat kilo.
Noong Enero, nawala ang murang bigas sa pampublikong pamilihan dahil naubusan ng stock ang NFA na naging dahilan para magkaroon ng oportunidad ang commercial traders na magtaas ng presyo ng kanilang bigas mula sa P1 hanggang P3 bawat pangunahing pagkaing Pinoy.
Comments are closed.