(Inaprubahan ng SB Corp) P20-B PAUTANG SA MSMEs

SB CORP

NASA P20 billion na loans sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang inaprubahan ng Small Business Corporation (SB Corp.) sa ilalim ng isang lending program na layong tulungan ang mga negosyo matapos ang COVID-19 pandemic. 

Ayon kay SB Corp. board director Voltaire Magpayo, mahigit sa 61,000 MSMEs ang nakapag-avail ng Rise UP multi-purpose loan.

May 645 conduits naman ang inaprubahan para sa loans na nagkakahalaga ng mahigit P52 billion.

”Just to be accurate, dalawa po kasi ‘yan.

‘Yung wholesale na tawagin natin, pinapahiram natin mga conduits.

Mayroon po kaming cooperatives, lending institutions based nationwide. Sila, in turn, pinapahiram sa mga micro. Sa wholesale, umaabot na P52 billion. More or less 645 conduits nationwide,” sabi ni Magpayo.

”Sa retail, ‘yung tinatawag natin na direct lending sa ating mga kababayan, umabot na ng P20 billion, which is equivalent to 61,000 MSMEs sa buong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng programa, ang mga business owner ay maaaring makahiram ng P30,000 hanggang P5 million na may annual interest na 3.5% hanggang 6.5% para sa mga nasa wholesale sector at 8% annual interest para sa MSMEs sa retail category.

Maaaring bayaran ang loan sa loob ng tatlong taon at wala itong collateral.

Ang mga interesado sa programa ay maaaring mag-apply online sa SB Corp. website: https://sbcorp.gov.ph/ o sa anumang Go Negosyo Centers sa buong bansa.