(Inaprubahan ng SB Corp) P5-M PARA SA 13TH MONTH PAY LOANS

MAHIGIT sa P5 million na ang naipalabas ng SB Corp. ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa 13th-month pay loan ng maliliit na kompanya para sa kanilang mga empleyado.

Ayon sa  Department of Labor and Employment (DOLE), inaprubahan ng SB Corp. ang kabuuang  P5.052 million para sa 25 loan applications ng micro and small enterprises na nagpatupad ng flexible work arrangements.

Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng SB Corp. ang adjustments sa eligibility requirements para sa programa, kung saan itinaas ang saklaw na mga empleyado sa maximum na 40 mula sa naunang cap na 20.

Ang online applications ay nagsimula noong November 2 at tatagal hanggang December 7. Ang processing period ay tinatayang sa loob ng pito hanggang 10 araw.

Kabilang sa mga kompanyang kuwalipikadong mag-avail ng loans ay micro and small enterprises na nakatala sa DOLE at may 20 empleyado o mababa pa.

Sa ilalim ng programa, maaaring makautang ang isang kompanya ng P12,000 kada empleyado. Ang mga kompanyang hihiram ng mas mababa sa P50,000 ay kailangang magprisinta ng Barangay Business Permit, habang ang mahigit sa P50,000 ay Mayor’s Permit.