INARARO NG TRAILER TRUCK: MAG-ASAWA TODAS, ISA SUGATAN

NUEVA VIZCAYA- PATAY ang mag-asawa habang malubha namang nasugatan ang isa pa matapos araruhin ng isang trailer truck na may kargang mga abono ang isang tindahan, bahay at mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada sa National Highway sa Brgy. Bone South, Aritao sa lalawigang ito.

Ang mga biktima na binawian ng buhay ay nakilalang sina Frederick Del Mundo, 44-anyos, magsasaka at si Gina Del Mundo, 55-anyos at kapwa residente ng Brgy. Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.

Habang nasa malubhang kalagayan naman si Reginald Macaslam, 38-anyos, laborer, may-asawa at residente rin ng Brgy. Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya at nagtamo din ng sugat ang driver ng trailer truck na nakilalang si Jojo Odones, 47-anyos, may asawa at nakatira sa Caloocan, Cabatuan, Isabela.

Base sa report ni Capt. Roger Visitacion, Officer in Charge ng Aritao Police Station kasalukuyang binabagtas ng trailer truck ang highway nang biglang nawalan ng control ang sasakyan na minamaneho ni Odones nang makarating sa pakurbang kalsada.

Dahilan dito ay nag-overshoot ang sasakyan at nahagip nito ang isang kolong kolong, Toyota Hilux na nakaparada sa gilid ng kalsada, at nagtuloy-tuloy sa isang tindahan at bahay bago tuluyang bumaliktad ang trailer truck.

Nabatid na ang naturang trailer truck ay may lulang abono at nang sumadsad sa tindahan at katabing bahay ay gumuho ito at hindi na nakagawa pang umiwas ng mag-asawa na kasalukuyang bumibili sa isang tindahan na siyang naging dahilan ng agarang pagkasawi habang nasugatan naman ang isa pang mamimili.

Ayon sa pulisya, inamin ng driver ng trailer truck na mayroon siyang hang-over at nakita rin sa sasakyan ang ilang bote ng alak.

Nagkasundo naman ang mga kaanak ng mga biktima pati na ang may ari ng mga sasakyan na nadamay din sa nasabing insidente na magsampa ng reklamo laban sa driver na si Odones.

Kasalukuyan ngayong nasa pangangalaga na ng Aritao Police Station ang driver, matapos lapatan ng lunas sa pagamutan sa tinamo niyang mga sugat sa katawan.

Nagpahayag naman umanong ang may ari ng trailer truck na magpapahatid ng tulong sa pamilya ng mga biktima.

Habang ang driver na si Odones ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, serious physical injury and damage to property. EVELYN GARCIA