LAGUNA – PINALAYA rin ang babaeng inaresto sa pagpatay sa lady car pool driver dahil sa kakulangan ng ebidensiya sa Calamba City.
Si Ann Shiela Belarmino ang unang itinuro na pumatay kay Jang Lucero ay pinalaya ng Calamba City Prosecutors Office.
Kaugnay nito, sinabi ni PLt. Col. Gene Licud hepe ng Calamba City PNP na mangangalap pa umano ang mga ito ng karagdagan pang mga ebidensiya kabilang ang isasagawang pag-re-refile ng kaso laban kay Belarmino.
Dahil dito, patuloy pa rin nakapagkukubli sa batas ang unang iniulat ng pulisya na limang suspek na pawang responsable sa naganap na pamamaslang kay Lucero na hinihinala umanong hindi pa nakalalabas sa Laguna.
Samantala, nagpalabas ng mensahe ang pamilya at mga malalapit na kaibigan ni Belarmino makaraan itong makalaya kamakalawa.
“Pinakamabisa talaga ang panalangin. Hindi tayo nagkamali sa pagkakakilala kay Ann Belarmino na hindi n’ya kayang gawin yung mga ibinibintang sa kanya at isa lamang siyang biktima”.
Idinagdag pa ng mga ito batay na rin sa nakalap na impormasyon ng PILIPINO Mirror, gagawa umano ng action ang pamilya ni Belarmino hinggil sa naganap na pag-aresto at pagsasampa sa kanya ng kaso.
Sa panig naman ng pamilya ni Lucero, wala pa rin aniya silang alam kung bakit ginawa kay Jang ang karumal-dumal na pamamaslang, hiling lamang ng mga ito na mabigyan ng hustisya ang naturang kaso, hindi rin nila umano lubusang kilala si Belarmino. DICK GARAY
Comments are closed.