NEGROS ORIENTAL – INARESTO ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) unit 6 sa Bacolod City at isa pang sibilyan dahil sa sumbong na pangongotong noong Huwebes.
Kinilala ang suspek na si Bacolod CIDG Unit 6 Chief Police Major Melvin Madrona at kasama nitong sibilyang si Jay-ar Dela Cruz, 40-anyos.
Nahuli sila sa loob mismo ng Guanzon Cockpit Arena sa Mansilingan Bacolod City alas-5:35 ng hapon nang tanggapin ng mga suspek ang P5,000 mula sa nagrereklamong may-ari ng bar.
Isinagawa ng PNP IMEG ang entrapment operation matapos na magreklamo ang mga may-ari ng KTV bar sa Bacolod City sa pangongotong ng CIDG 6 chief.
Sa reklamo ng mga may-ari ng KTV Bar na sina Ashly Alba, Rosalie Pesquera at Rizaldy Claver sinalakay ng grupo ni Madrona ang kanilang bar noong Pebrero 8 kung saan naaresto ang 10 dancers at 12 Japanese customers subalit pinalaya kapalit ng protection money.
Hihingian aniya sila ng P5,000 kada linggo para makapag-operate at ibibigay ang protection money tuwing araw ng Huwebes na nagsimula noong Pebrero 9.
Bukod pa ang hininging travel expenses, hotel accommodation at pagkain ng mga police operatives na nagkakahalaga ng P6,000. REA SARMIENTO
Comments are closed.